KAWALAN
Isang gabi ng pagluksa sa putikan
Inalod ng basang buhangin ang kalayaan
Tila wala na itong katapusan
Mamamatay na walang kalaban-laban
ang mga nasugatang kamay.
Binibilang ang mga bituing ‘di na muling makikita
Hahanguin ng isang malagim at tahimik na puso
ang umagang dati’y dumarating
Sa isang sulok mananahimik na tila patay na kaluluwa.
Isang basang diyaryo ang tatabon sa pagluluksa
Tanging huni ng mga ibon ang maririnig
sa gitna ng katahimikan
Magdurugo muli ang mga kamay
Na ngayon’y isa-isang nagiging alikabok.
Asan ang pag-asang pangako ng pag-ibig?
Lilimutin ng isang maruming basahan ang tadhana
Tulad ng mga dasal na 'di na natupad
Tulad ng mga dasal na 'di na natupad
Mananatiling marumi ang kalsada
para sa mga walang kaluluwa
Magdadala ng luha at pighati.
Bubuhos ng malakas ang ulang puno ng asin
Kukulog ang kalangitan sa gitna ng bawat sigaw
Magkakagulo ang mga anghel sa bawat halakhak
ng mga pusong nagmistulang panakip
sa mga alaala ng kahapon.
Asan ang pag-ibig? Nawalan na ba ng pag-asa?
Jin Mi • Dyeysi | 27Nov2015
No comments:
Post a Comment